Unggoy na dating alaga ni Michael Jackson, nagpipinta

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 08:50 PM | Updated as of Jul 23 2017 09:07 PM

Maituturing na pinakasikat na residente ng Center for Great Apes sa Florida, U.S.A. ang 34 taong gulang na si ‘Bubbles’. Ito ang chimpanzee na dating alaga ni Michael Jackson bago siya nasawi noong 2009.

At kung gaano ka-talentado ang King of Pop noong nabubuhay pa, ganoon din ang kaniyang unggoy na nagpapakitang gilas ngayon sa pagpipinta.

COURTESY: FRAMES USA

Katunayan, kabilang ang mga obra ni ‘Bubbles’ sa mga dibuhong ibinebenta kasama ng ilan pang ipininta ng ibang unggoy.

Ayon sa Center, nagkakahalaga ng $375 hanggang $2,000, o katumbas ng P19,000 hanggang mahigit $100,000 ang obra ng mga matsing.

Ginagamit ang pondo mula sa mga pinagbentahang obra para matustusan ang operasyon ng Center na nangangalaga sa 48 orangutans at chimpanzees.

Karaniwan daw kasing hindi na maibalik sa kagubatan ang mga unggoy na minsang inalagaan ng mga tao. Nawawalan na raw kasi ng kakayahan ang mga ganitong klaseng unggoy na mamuhay malayo sa pangangalaga ng tao.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.