Biyuda, iniisip na nagkatawang-baka ang namayapang asawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 09:11 PM

Naniniwala ang isang babae sa Cambodia na muling isinilang ang kanyang asawa sa katawan ng isang guya o batang baka.

Ayon kay Khim Hang, 74 anyos, humigit kumulang 100 tao kada araw ang bumibisita sa kanyang bahay sa northeast Kratie province upang makita ang batang baka na ayon sa kanya ay kumikilos tulad ng kanyang yumaong asawa.

Namatay ang asawa ni Khim Hang na si Tol Khut higit isang taon na ang nakalilipas.

"I believe that the calf is my husband because whatever he does... is in exactly the same way as my husband did when he was alive," kuwento niya sa Reuters Television.

Ipinanganak ang batang baka noong Marso at umani na ito ng atensiyon sa social media.

Inaalagaan ni Khim Hang ang baka sa kanyang bahay: pinapakain, pinapaliguan, pinapatulog at pinapagamit niya rito ang unan na ginamit ni Tol Khut noong nabubuhay pa.

"I will keep him and take care of him for my entire life," ani Khim Hang.

Kuwento naman ni Thach Vin na nakapanood sa video ng baka sa Facebook, kakaiba talaga ang galaw nito na ipinakitang umakyat sa hagdan ng bahay ng pamilya.

"I thought it was quite unusual to see a cow go up to the house like this," ani Thach Vin.

Dahil dito, dinayo niya pa ang baka upang makita ito.

Nasa 95 porsiyento ng Cambodia ang Buddhist at marami ang naniniwala na ang kaluluwa ng isang nilalang ay nakabababalik sa ibang katawan matapos mamatay.

-- Ulat mula sa Reuters 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.