Saging na may 6 na puso, agaw-pansin sa Lipa City

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 08:57 PM

LIPA CITY - Usap-usapan ng mga residente sa isang barangay sa Lipa City ang isang buwig ng bunga ng saging na may anim na puso.

Ayon sa may-ari ng puno na si Luningning Sarmiento, nabigla na lamang siya nang iuwi ng asawa ang buwig ng saging.

Ikinamangha naman ito ng kanilang mga kapitbahay.

Paliwanag ng eksperto, bihira ang ganitong pangyayari.

"Ang paglabas nitong anim na puso ng saging sa iisang halaman ng saba, this is the first reported... This time, however, it has been seen in the group of musa acuminata, na tinatawag nating pastillan variety, pero hindi anim [ang puso], tatlo lang," ani Dr. Pablito Magdalita ng Institute of Crop Science ng University of the Philippines Los Baños.

May tatlo umanong maaring paliwanag sa pangyayari.

"One is due to somatic mutation, which is genetic in nature. And another one is natural hybridization in the past, and the third factor could be an induced condition especially [due to] climate change," dagdag ni Magdalita.

Ang somatic mutation ay ang pagbabago sa selula ng isang organismo na nakakaapekto sa anyo nito. Ang natural hybridization naman ay ang paghahalo ng magkaibang variety ng halaman na nagreresulta sa ebolusyon nito.

Maganda rin umanong mabantayan at pag-aralan ang puno ng saging dahil may bentahe ito para sa nagtanim nito.

"Maari natin siyang bantayan, tingnan, kasi kung siya ay maraming magproduce ng bunches sa isang puno, it is a commercial advantage sa isang farmer, kasi marami ang mahaharvest na bunga," ani Magdalita.

Kasalukuyang naka-display sa harap ng kanilang tahanan ang buwig ng saging na may anim na puso para sa mga nais makakita nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.