Nakuryenteng musang, sanhi ng malawakang brownout sa Palawan?

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 06:56 PM

Nakaranas ang Puerto Princesa at iba pang bahagi ng Palawan ng sunod-sunod na pagkawala ng suplay ng kuryente mula Hulyo 12 hanggang Hulyo 15.

Ayon sa Palawan Electric Cooperative (PALECO), sanhi ng brownout ang nag-trip na tie line ng National Power Corporation (Napocor).

Isang musang o civet cat na nakuryente ang tinitingnang dahilan ng pagkawala ng suplay ng kuryente.

Pumasok umano ang nasabing hayop sa loob ng makina ng solid recloser na naging dahilan ng browout sa GMA circuit, Wescom circuit at San Jose circuit.

Malaki umano ang papel na ginagampanan ng tie line ng Napocor dahil dito dumaraan ang kuryente mula sa mga power provider sa lalawigan. Kaya't kapag may nasira sa tie line ng Napocor, malaki ang nawawalang suplay ng kuryente sa lalawigan.

Magsasagawa umano ng massive clearing sa tie line ng Napocor kaya asahan na ang anunsiyo para sa pansamantalang pagkaantala ng daloy ng kuryente sa lungsod ng Puerto Princesa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.