Mahigit 100 itik, sabay-sabay namatay sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 05:28 PM

Mahigit 100 itik ang sabay-sabay namatay sa Nabua, Camarines Sur, Miyerkoles ng Umaga. Photo courtesy of Jocelyn Lordan

NABUA, CAMARINES SUR – Ikinabigla ng ilang residente sa Brgy. Sta. Cruz ang sabay-sabay na pagkamatay ng mahigit 100 itik dito nitong Miyerkoles.

Ibinahagi ang mga larawang ito sa Facebook ni Jocelyn Roldan at nakakuha na ng mahigit 500 shares.

Natagpuang labas ang bituka ng karamihan sa mga itik bandang alas-siete ng umaga at may mga tinusok sa dibdib at bali-bali ang pakpak.

Ayon sa residenteng si Jose Cardoza, kung hindi aso, usap-usapan sa kanila na aswang ang may gawa nito sa mga itik.

Pero paniwala ni Brgy. Chairman Julian Abonal, aso o isang uri ng reptilia na tinatawag nilang ugot ang may kagagawan ng insidente.

Tatlong beses na kasi itong nangyari sa lugar.

Proyekto ng Nabua West Cooperative ang pag-alaga ng itik at ngayong Setyembre, mapapakinabangan na sana ang mga itlog nito.

Kung ipagbibili naman ang bawat itik, halagang P150 ang bawat isa nito.

Inilipat na ang natitirang 300 na itik sa Barangay San Antono kung saan mas pabor para sa kanila ang lugar.

Pero para sigurado, mas mabuting lagyan daw ng bakod ang palayan na paglalagyan ng mga hayop.

Nailibing na rin ang mga namatay na itik.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.