Babae sinapian umano ng masamang espiritu sa QC

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 10:10 AM

MAYNILA - Hirap na hirap ang magkakaibigan na kargahin papuntang barangay hall sa Botocan, Quezon City ang isang babae na diumano'y sinapian ng masamang espiritu.

Kahit anila tulong-tulong na sila sa pagbuhat, nagagawa pa rin umano ng kanilang kaibigang manadyak at magpumiglas. Nag-iiba rin anila ang boses nito.

May mga oras na nagiging kalmado ito pero mamaya-maya'y muling magsisisigaw. Nang bigyan ng rosaryo, nagbanta pa itong papatayin ang isang humahawak sa kanya.

Ayon sa isang nakasaksi ng insidente, hindi taga-kanila ang babae at dumayo lang para sa kanyang mga kaibigan. Magsisimula pa lang aniya silang uminom nang umano'y masapian ang babae.

Sa dami ng umawat, isang lalaking kaibigan lamang ang nakapagpakalma sa kanya.

"Sabi ko tingin ka lang sa mata ko. Pagtingin sa mata ko, tumitigil siya," ani alyas Eric.

Tumangging magbigay ng panayam ang mga kaibigan ng babae at nagpasya na lamang silang iuwi ito sa kanyang bahay sa Project 4.