Dayuhan, nais tulungan ang nagnakaw ng kaniyang mga cellphone

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 11:41 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Hawak na muli ng Canadian na si Daryl Urbanski ang mga cellphone na ninakaw noong Linggo sa isang beach sa BM road, lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan. 

Sa tulong ng mga netizen na nakakita sa post ni Urbanski, napag-alamang residente ng Barangay Matahimik ang nagnakaw at sa tulong umano ng barangay ay nabawi nila ang mga ninakaw na gamit.

"We got a message last Monday evening saying that Barangay Captain Ryan Abueme had gotten our cellphones. And so the next day, we met him and we got our phones back,” ani Urbanski.

Bagama't masama ang loob nito sa ginawang pagnanakaw ng lalaki ay nagbago umano ang isip nito matapos na pakiusapan ng punong barangay ng Barangay Matahimik.

"Captain asked me ‘please dont send him to jail’ and we talked a little bit about Rabie (suspect) and his situation. He has a one-year old son. He only has elementary school education. He already has a brother in jail. His parents are over the working age and they’re squatters," ani Urbanski

Hindi naman sinasang-ayunan ng mga pulis ang nangyari dahil dapat umano na nakipag-ugnayan sa kanila ang barangay para mahuli ang lalaki.

Ayon kay police Chief Inspector Mark Allen Palacio, Station Commander ng Police Station 1 na siyang may hawak ng kaso ni Urbanski, hindi dapat pinoproteksyunan ng barangay ang mga suspek.

“Sana po 'wag nating gamitin 'yung position natin para i-protect yung mga suspek. 'Di rin sila korte (barangay) para magsabi na wala silang kasalanan 'yung nagbalik na 'yun. So, sana lang next time 'pag may mga ganyang instances na may lumapit sa inyo na alam naman nating kawatan, magsabi kayo agad sa PNP," ani Palacio.

Para sa mga pulis, kahit naibalik na ang mga gamit, dapat ituloy pa rin ang pasasampa ng kaso lalo pa’t kilalang magnanakaw umano ang kumuha ng gamit ni Urbanski. 

Kabilang din umano ito sa mga binabantayan nilang mga grupo na nagnanakaw sa mga carrier box ng motorsiklo at maaari ring may kinalaman sa ilegal na droga.

Ang ikinababahala nila, maaring magpatuloy lang ito sa paggawa ng krimen.

"Ang dami na kasing biktima nito, ng tao na ito. Dun lang tayo may solid evidence na siya iyung gumawa. Sana naman maging mature enough tayo na ilagay sa batas kung ano 'yung dapat para hindi na ito uulitin. Kasi some day baka maging biktima naman kamag anak niya o kakilala niya so nasa huli na ang pagsisisi,” ani Palacio.

Hindi naman sang-ayon si Urbanski. Aniya, dahil hindi naman nababago ang mga tao kapag nakulong at baka lumala pa umano ang paggawa nito ng krimen kapag nakalabas ng kulungan.

"The police want to do their job and I’m very grateful for their help. But I just don't know if that’s gonna solve the real issue. If he goes to jail, he’s going to meet other criminals, his friends will be other criminals. His family might be in a worse situation," aniya.

Sa halip, nais umano nitong tulungan na lang ang lalaki.

"I’m a life coach and a business consultant. I would like to do a 2-day workshop and let him come for free," dagdag ni Urbanski.

Pero giit ng pulisya, kung hindi sasampahan ng kaso ay tila kinukunsinti na rin ang suspek sa ginagawa nitong pagnanakaw at patuloy pa na makapambiktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.