Bihis-dinosaur na traffic enforcer, patok sa Thailand

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 01:16 PM

Hindi inaalintana ni Sergeant Tanit Bussabong ang init ng panahon at kantiyaw ng mga dumaraan dahil sa kaniyang mga agaw-pansing costume. Larawan mula sa Agence France Presse

NAKHON NAYOK, Thailand -- Isang traffic policeman sa Thailand ang patok sa mga kabataan at kanilang magulang dahil sa "epektibo" nitong paraan ng pagtuturo sa kanila ng road safety at traffic rules.

Paano ba naman, hindi inaalintana ni Sergeant Tanit Bussabong ang init ng panahon at kantiyaw ng mga dumaraan dahil sa kaniyang mga agaw-pansing costume.

Kuwento ni Bussabong, mayroon siyang nasa 20 iba't ibang costume na ginagamit kapag nagmamando ng trapiko sa labas ng isang kindergarten sa Nakhon Nayok, tulad ng Minnie Mouse at isang oso.

Pero aniya, ang pinakapatok sa mga bulilit ay ang costume niyang berdeng dinosaur na "T-Rex."

Matapos lamang ang isang taon, napansin na umano ng naturang traffic enforcer na mas natututo ang mga batang sumunod sa traffic rules at respetuhin ang mga awtoridad.

"Natutuwa sila kaya't masaya na rin ako...Pati mga magulang natututong mas galangin ang mga batas-trapiko," pagmamalaki ni Bussabong.

--Isinalin mula sa ulat ng Agence France Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.