Kuwentong pag-ibig: Lola ikinasal sa 33-anyos na nobyo

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 07:31 PM | Updated as of May 24 2017 01:16 PM

LOBO, Batangas – Hindi naging hadlang ang malaking agwat ng edad sa pagmamahalan nina Lydia Montalbo at ni Ferdinand dela Cruz na nauwi sa kasalan sa bayan ng Lobo.

Limang taon ang nakalipas mula nang magkakilala ang dalawa. Kuwento ni Ferdinand, nagsimula ito nang pakiusapan siya ng kanyang tiyuhin na alagaan ang kanyang biyenan na si Lydia.

“Ako'y kinuha po ng tiyuhin ko sa amin, alagaan ko raw po ang kanyang biyenan," sabi ni Dela Cruz.

Hindi na kasi naka-aaninag ang mga mata ng 73-taong gulang si Lydia dahil sa katarata kaya kinakailangan nito ng tagapag-alaga.

Aminado naman ang 33-anyos na si Ferdinand na awa ang una niyang naramdaman sa matanda dahil sa kundisyon nito pero kalaunan ay nahulog na rin umano ang kanyang loob sa babae.

"Ako po ay inilagaan nire, siya po ay naawa sa akin. Hindi na po ako hiniwalayan nire. Sabi daw niya ako ay pakikisamahan habang nabubuhay," sabi pa ni Lydia.

Pareho naman umanong suportado ng kani-kanilang pamilya ang desisyon nilang magpakasal. 

May 18-taon nang biyuda si Lydia habang ulila na naman si Ferdinand at wala nang makakasama sa buhay.

Maasikaso at matiyaga raw si Ferdinand kay Lydia, bagay kung bakit nahulog ang loob ng matanda.

"Maayos naman siyang mag-alaga sa akin, maintindi siya kaya ko siya nagustuhan. Saka ang tagal niya akong inalagaan gawa nga ng aking manugan," kuwento naman ni Lydia.

Noong May 11, nag-isang dibdib ang dalawa para umano mapatunayan ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Nilinaw naman ni Lydia na hindi siya mayaman para pabulaanan ang maaaring iniisip ng iba na pera lamang ang habol sa kanya ni Ferdinand.

“Wala naman po siyang makukuha sa akin, wala naman akong kayamanan, kanya po ay awa,” sabi ni Montalbo.

Pangako umano nila sa isa’t-isa na magmamahalan silang hangga’t nabubuhay.

"Mahal na mahal ko po ang nanay habang ako ay nabubuhay," sabi ni Dela Cruz.

Tugon naman ni Montalbo: "Aba'y mahal na mahal ko rin po ito habang ako'y nabubuhay.

Sakali naman umanong mauna si Lydia, tanggap umano niya na magpakasal muli si Ferdinand.

Kahit ano pa man umano ang sabihin ng iba, naniniwala sila na pinapatunayan lamang ng kanilang relasyon na tunay ang kanilang pagmamahalan.

"Kami po ay nagmamahalan," sabi ni Lydia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.