10 kambing patay sa pag-atake ng 'ligaw' na aso

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 08:02 PM

ILOCOS SUR - Sampung kambing na alaga ng isang magsasaka ang namatay matapos umatake ang isang ligaw na aso at pinagkakagat ang mga ito.

Ayon sa magsasakang si Victor Degamo, nakapastol ang mga kambing sa kanyang sinasakang lupa sa Barangay Subadi Norte sa bayan ng Burgos.

Isa sa mga kambing ang natagpuang patay noong Lunes, at siyam naman noong Miyerkules.

Labis ang panghihinayang ni Degamo sa pagkamatay ng mga alaga na ibebenta na sana niya para may magamit sa pagbabalik paaralan ng kanyang mga anak ngayong Hunyo.

"Nakapanghihinayang talaga lalo’t karamihan sa mga namatay pwede nang ibenta at may mga buntis pa. Talagang kung kailangan namin ng pera ibinibenta namin ang mga inaalagaan na kambing," ani Degamo.

Matapos suriin, pinayagan naman ng municipal agriculturist na katayin at ibenta ang karne ng mga kambing na namatay noong Miyerkules.

"Sa tingin ko safe naman dahil hindi naman ito yung mga ulol na aso," ani Municipal Agriculturist Cresencio Peralta.

Payo ni Peralta, itali ang mga alagang aso para hindi na makapanakit.

Patuloy rin ang pagbisita nila sa mga barangay para bakunahan ang mga alagang aso.

Hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ang sinasabing ligaw na aso na kulay puti.

Gusto ni Degamo at ng mga iba pang residente na mahuli na ito para hindi na makapagdulot ng perwisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.