'Birhen sa Mais', dinarayo sa Iligan City

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2017 05:18 PM | Updated as of Apr 04 2017 06:22 PM

Ang "Birhen sa Mais" ng Barangay Digkilaan sa Iligan City.

Inaasahan ng mga residente ng Barangay Digkilaan sa Iligan City ang pagdagsa ng mga tao ngayon Semana Santa upang makita ang imahen umano ng Birheng Maria sa isang piraso ng mais.

Ayon kay Virginia Ancho, ang tagapangalaga ng mais, lumaki at mas naging malinaw ang imahen ng birhen sa mais nitong mga nakaraang taon.

Makikita sa gitna ng piraso ng mais ang imahen ng isang babaeng may korona at magkadikit ang palad na animo'y nagdarasal.

Naniniwala rin si Ancho na ang imahen sa mais ang nagbigay sa kanyang apo ng pangalawang buhay matapos nitong makaligtas mula sa head injury.

Ang "Birhen sa Mais" ng Barangay Digkilaan sa Iligan City.

Ang imaheng tinawag na "Birhen sa Mais" ay natagpuan ni Catalina Barita noong 2002 habang namumulot ng mais na ipapakain sana sa mga manok. Nakita ni Barita ang imahen sa isa sa kanyang mga napulot na mais.

Hindi pa naeeksamen ng mga eksperto o maging ng Simbahan ang nasabing piraso ng mais dahil na rin ayaw ni Barita na mahiwalay ito sa kanya.

Namatay si Barita noong 2012 at inilibing malapit sa altar na itinayo para sa imahen. - ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News