Nars na naiwang mag-isa sa clinic, ginamot ang sarili nang atakihin sa puso

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 06:15 PM

Isang 44 anyos na nars sa isang liblib na lugar sa Australia ang pambihirang ginamot ang sarili nang maramdaman na siya ay inaatake sa puso. 

Naganap ang pangyayari habang nag-iisa ang lalaki sa nursing post sa Coral Bay, halos 1,000 kilometro ang layo sa sentro ng Western Australia na Perth.

Ayon sa ulat ng New England Journal of Medicine, nakaramdam ng labis na sakit sa dibdib at pagkahilo ang lalaki.

Dahil 150 kilometro pa ang layo nito sa pinakamalapit na ospital, mag-isa na lamang niyang ikinabit ang sarili sa isang electrocardiogram (EKG), kung saan niya nakitang barado nga ang kaniyang puso.

Nagsagawa pa siya ng panibagong ECG, at doon na niya nakumpirma na inaatake nga siya sa puso.

Sunod niyang ini-email ang resulta ng ECG sa isang doktor sa pamamagitan ng Emergency Telehealth Service (ETS), at doon siya nakahanap ng emergency physician na maaari niyang maka-usap sa pamamagitan ng video call. 

Sinuksukan niya ang sarili ng intravenous (IV) lines sa magkabilang braso at doon niya ipinasok ang sari-saring gamot kabilang na ang aspirin, blood thinners, pain killers, at isang clog-dissolving drug na tinatawag na Tenecteplase.

"He attached his own defibrillator pads and prepared adrenaline, atropine, and amiodarone," ayon sa ulat.

Ang mga nasabing gamot ay lunas umano sa mga heart rhythm problem, dagdag nito.

Umepekto ang mga gamot at suwerteng naagapan ang paglala ng kaniyang atake sa puso.

Inilipad ang lalaki sa cardiology unit ng Perth kinabukasan, kung saan sinuksukan ng isang "stent" ang kaniyang coronary artery o ugat sa puso.

Nakauwi ang lalaki matapos ang dalawang araw. 

Pinuri naman ang ginawang "do-it-yourself" na panggagamot ng lalaki sa kaniyang heart attack. 

"It was quite genius to be able to do all these things," ani Brandon Godbout, vice chair ng emergency department sa Lenox Hill Hospital sa New York.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.