'Labi ng arsobispo, di nangamoy agnas' kahit 3 dekada nang nakalibing

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 02:02 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dinarayo ng daan-daan ang isang lugar sa Carcar City, Cebu kung saan nakalagak ang labi ng isang arsobispong hindi umano nangamoy nabubulok, o naaagnas, kahit pa halos tatlong dekada nang nakalibing.

Setyembre 27, 1988 nang magimbal ang mga taga-Cebu sa pagkamatay ni Archbishop Teofilo Bastida Camomot matapos mapabilang sa mga biktima ng isang aksidente sa sasakyan.

Edad 74 nang pumanaw si Camomot.

Inilagak noon ang labi ni Camomot sa compound ng kongregasyon na kaniyang binuo--ang Daughters of Saint Therese.

Nitong nakaraang linggo lang, muling hinukay ang labi ni Camomot para ilipat sa Domus Teofilo, isang museo kung saan matatagpuan ang kaniyang mga memorabilia.

Joworski ALipon, ABS-CBN News
Joworski ALipon, ABS-CBN News
Joworski ALipon, ABS-CBN News

Nagkaroon ng pagkakataon ang mga naroon na makita ang kaniyang wax effigy.

Nasa loob nito ang mga nahukay na buto ng arsobispo.

Pero ayon sa forensic expert na si Dr. Erwin Erfe, may kakaiba silang napansin sa labi ni Camomot.

Aniya, karaniwan nang nangangamoy agnas o bulok ang labi kapag hinukay, pero hindi ito ang kaso sa labi ni Camomot.

Kakaiba rin aniya na walang "infestation" o hindi inatake ng mga insekto ang labi ng arsobispo, gaya ng karaniwang nangyayari sa mga labi.

Buo pa rin daw at maayos ang suot ng arsobispo nang siya'y ilibing.

Isusumite sa Vatican ang resulta ng pagsusuri sa labi ni Camomot.

Sa ngayon ay inihahanda na ang "Positio", o ang mga dokumentong naglalaman ng mga testimonya at mga paliwanag kung bakit karadapat-dapat na gawing santo si Camomot.

Isinilang noong 1914 si Camomot na inordinahang pari sa Cebu noong 1941.

Naglingkod siya bilang parish priest ng Santa Teresa de Avila sa Talisay City at sinubok ang kaniyang pananalig sa gitna ng World War II.

Siya ang nagsilbing instrumento ng katatagan para sa mga parokyano.

Isa si Amelia Emnase sa nakakita at nakadama sa pagmamalasakit at pagpapakumbaba ni Camomot.

Kuwento ni Emnase, hindi niya malilimutan na sa mga oras ng kagipitan at kawalang pag-asa, laging paalala ng arsobispo na hanapin lang ang Panginoon sa ating mga puso.

Kalaunan, naging auxiliary bishop ng Cebu si Camomot.

Itinalaga rin siya bilang coadjutor archbishop ng Cagayan de Oro City.

Higit naman sa hangaring maging santo si Camomot, nais ng Archdiocese of Cebu na pamarisan ng publiko ang simpleng pamumuhay at malalim na pananampalataya ng arsobispo.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.