Klinika, alok ay pampaputi, 'pampalusog' ng pribadong parte ng katawan

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 10:48 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay. 

Sumasailalim sa penis-whitening procedure ang isang lalaki sa Lelux Hospital sa Bangkok, Thailand AFP

Mainit na pinag-uusapan sa Thailand social media ang serbisyong pagpapaputi ng ari ng lalaki na iniaalok ng isang clinic sa Bangkok. 

Naging kontrobersiyal din ang parehong ospital noong nakaraang taon dahil naman sa iniaalok na procedure na "nakapagpapalusog" ng ari ng babae. 

Anim na buwan na ang nakalilipas nang ialok ng Lelux Hospital ang penis-whitening procedure matapos dumulog daw ang isang customer ukol sa maiitim na bahagi ng kaniyang ari.

"These days a lot of people are asking about it. We get around 100 clients a month, three to four clients a day," ani Bunthita Wattanasiri, ani manager Skin and Laser department ng Lelux Hospital sa panayam ng Agence France-Presse (AFP).

("Maraming nagtatanong tungkol sa pagpapaputi ng ari. Nasa 100 kliyente ang nakukuha namin kada buwan; tatlo hanggang apat na kliyente ang mayroon kami kada araw.")

Ginagamitan ng laser whitening ang serbisyo na pinag-usapan lalo sa mga balitang inere sa telebisyon at social media nitong Huwebes matapos ilabas ng ospital ang retrato ng isang lalaking sumasailalim sa pagpapaputi ng ari.

"We have to be careful because it's a sensitive part of the body," ani Bunthita.

("Kailangan naming mag-ingat dahil sensitibong bahagi iyon ng katawan.")

Dagdag pa niya, kadalasang edad 22 hanggang 55 ang mga sumasailalim sa procedure.

Marami rin sa mga customer ang miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, questioning, queer) community.

Para sa limang sesyon ng pagpapaputi ng ari, nagkakahalaga ang serbisyo ng $650 o katumbas ng mahigit P32,000.

Naging usap-usapan din ang parehong ospital noong nakaraang taon matapos mag-alok ng procedure na "3D Vagina" kung saan ginagamit ang sariling taba sa katawan ng customer para maging "malusog" ang ari ng babae.

Patok sa Thailand ang mga serbisyong pampaputi at may mga pagkakataon ding binabatikos ang mga advertisement nito dahil umano sa racism o pang-aaglahi.

"The obsession... people nowadays can't embrace their own skin color," anang Facebook user. 

("Hindi na matanggap ng mga tao ngayon ang kulay ng kanilang balat.")

May isa pang social media user na sinabing, "Ano na ang nangyayari sa mundo?"

Mayroon din namang tumugon sa social media at sinabing, "Bakit hindi subukan?"

-- Isinalin mula sa ulat ng © Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.