'Imahe' ng Poong Nazareno, lumitaw sa niyog

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 09:22 PM | Updated as of Jan 05 2018 11:12 PM

Dinarayo ang isang puno ng niyog sa bayan ng Camiling, Tarlac matapos lumitaw sa isang bunga nito ang umano'y imahe ng Poong Nazareno.

Pinagkakaguluhan sa bayan ng Camiling sa Tarlac ang imahe umano ng Poong Nazareno na nakita sa bunga ng niyog.

Dinarayo ng mga deboto ang puno ng niyog sa Barangay Bobon 1st sa bayan ng Camiling dahil sa umano'y imahe ng Poong Nazareno.

Si Carmelita Guillermo, gabi-gabing bumibisita sa puno ng niyog upang ipagdasal ang kanyang kalusugan.

"Dasal namin yung maayos na kalusugan at sana maayos kami dito," aniya.

Hindi rin napigilan ng ibang dumadalaw na kuhanan ng litrato ang imahe, maging ang magtirik ng kandila habang nagdarasal.

Bisperas ng bagong taon nang makita ni Crispin Martin ang puno sa kanyang bakuran. Sinubukan umano niyang sungkitin ang bunga ng niyog ngunit napansin niyang tila ayaw nitong matanggal sa puno.

Dito na niya nakita ang imahe sa bunga ng niyog.

"Inaalis ko, ayaw namang maalis tapos tinawag ko 'yung anak ko para tingnan," aniya.

Bukas-loob namang nagpapapasok ang pamilya ng mga debotong gustong tingnan at magdasal sa imahe.

Ayon sa mga eksperto, "pareidolia" ang tawag sa mga imaheng nakikita sa mga ordinaryong bagay, gaya ng mga hugis ng tao o mukha sa ulap. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.