Presyo ng petrolyo tataas sa pagpasok ng 2018

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 07:21 PM | Updated as of Dec 31 2017 09:14 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaasahang sasalubong ang taas-presyo sa petrolyo sa pagpasok ng 2018.

Maglalaro sa P0.60 hanggang P0.70 kada litro ang magiging dagdag sa presyo ng diesel habang P0.20 hanggang P0.30 naman kada litro ng gasolina.

Nasa P0.70 hanggang P0.80 din ang taas-presyo sa kerosene.

Tumaas din kasi ang presyo ng imported na produktong petrolyo. 

Pero talagang lolobo ang presyo ng petrolyo sa 2018 dahil sa Enero din papatak ang pagpataw ng bago at mas mataas na excise tax sa ilalim ng bagong batas sa pagbubuwis. 

Sa pagtataya ng pinuno ng Independent Philippine Petroleum Companies Association na si Bong Suntay, P2.97 kada litro ang maaaring dagdag-presyo sa gasolina dahil sa excise tax, kasama na ang value added tax (VAT).

May inaasahan namang dagdag P2.80 sa presyo ng diesel habang P3.36 kada litro naman sa kerosene. 

Aabot ng lagpas P3 kada litro ang inaasahang taas-presyo sa diesel at gasolina sa Enero 1 at 2 sa 2018 kapag pinagsama ang bagong buwis at dagdag-presyo dahil naman sa pagmahal ng imported na produkto. 

Nasa P4.06 hanggang P4.16 naman ang taas-presyo sa kada litro ng kerosene. 

Inaasahang kabuuang dagdag-presyo:

Diesel - P3.40-P3.50/litro 
Gasolina - P3.17-P3.27/litro 
Kerosene - P4.06-P4.16/litro 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.