Huling araw ng palitan ng lumang pera, dinayo

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 11:17 PM | Updated as of Dec 30 2017 01:34 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humabol sa huling araw ng pagpapalit ng lumang banknotes ang ilang mga Pinoy na nasa probinsiya.

Ayon kasi sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), non-extendable na ang deadline na kanilang itinakda ngayong Biyernes, Disyembre 29.

Maaga pa lang, nakapila na sa labas ng BSP si Marissa Gutierrez para papalitan ang lumang pera ng anak.

"Sabi nila i-souvenir na lang, eh sayang naman napakalaki naman para i-souvenir," ani Gutierrez.

Ganu'n din si Edgar Bobadilla na galing pang Batangas.

"Galing abroad ang pera, nai-stock," ani Bobadilla.

Noong 2010 nang maglabas ang BSP ng "new generation currency" na mas matingkad ang kulay at mas maraming security features kung ikukumpara sa lumang "new design series."

Tuluyang na-demonetize o nawalan ng halaga ang new design series noong Enero 2017.

Disyembre 31, 2016 ang unang itinakdang deadline ng BSP sa pagpapalit ng pera pero naurong ito nang tatlong beses.

Sa BSP main office sa Maynila, naghabol si Corazon Lumba na mapapalitan ang P16,500 na halaga ng lumang pera.

"Noong naglinis ako ng cabinet, nakita ko... Malaking bagay ito lalo na mag-New Year," ani Lumba.

Si Francisco Zaroza, kahit P180 lang ang papapalitan, tinyaga pa ring magpunta ng BSP.

Si Chris Lazo naman, dumayo pa galing Cavite.

"Naibayad lang din ito sa akin sa utang. Wala siyang maibayad na pera talaga kaya tinanggap ko na," kuwento ni Lazo.

Ayon kay BSP Security Officer Jesus Fresco Jr., mas maayos ngayon ang pila kumpara sa mga nakaraang araw.

"Close to a thousand ang nagpunta since kaninang umaga... 'Yung [Thursday] pinakamarami. Ngayon, di gaano compared to yesterday," ani Fresco.

May inilagay na mga upuan sa loob at may hiwalay na express lane para sa mga senior citizen, buntis at PWDs.

--Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.