Maaaring gastusin sa mga biktima ng Dengvaxia, hihingin sa Sanofi: Duque

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 07:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ire-reimburse ng gobyerno ang P32 milyon na inaasahang magagastos sa mga maaaring maging biktima ng Dengvaxia.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, inatasan na niya ang PhilHealth na makipag-ugnayan sa drug manufacturer na Sanofi Pasteur.

"Sabi ko sa PhilHealth, sulatan ang Sanofi, singilin ang Sanofi sa mga pagpapa-ospital ng mga batang nagkaroon ng mild to severe dengue matapos bakunahan ng Dengvaxia," sabi ni Duque sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Hindi bababa sa 730,000 na estudyante na nag-aaral sa mga public school ang nabakunahan ng Dengvaxia sa ilalim ng programa ng pamahalaan.

Noong nakaraang buwan, inamin ng Sanofi Pasteur na maaaring magkaroon ng mas malalang kaso ng dengue ang mga batang nabakunahan ng Dengvaxia kahit hindi pa nagkaka-dengue.

Ang tinatayang P32 milyon na magagastos para sa pagpapaospital ng mga biktima ay inestema ng pamahalaan base sa inisyal na tantya na 2,000 sa mga nabakunahan ang magkaka-dengue.

Hindi pa malinaw kung pumayag ang Sanofi na sagutin ang mga gastusin ng mga Pilipinong naapektuhan ng mga depektibong bakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.