'Mas mataas na take-home pay, ramdam simula Enero 2018'

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 07:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kahit magpa-Pasko na, magdodoble-kayod ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para matapos ang revenue regulation na magiging basehan ng mga kompanya sa bagong income tax rate.

Ayon sa tagapagsalita ng BIR, mararamdaman na ng mga empleyado ang mas maliit na withholding tax sa kanilang suweldo pagsapit ng Enero 15, 2018.

Sa ilalim ng bagong batas, wala nang income tax ang regular employees na kumikita ng hanggang P250,000 kada taon o may buwanang suweldong maglalaro sa P20,800 hanggang P21,700.

"Since ang effectivity January 1, 'yong buwanang suweldo nila kung dati is malaki 'yong nakakaltas, is dapat papasok na po 'yong effect ng new revised rate na malaki ang ibinaba," ani Atty. Marissa Cabreros, BIR spokesperson.

Nagbigay ng halimbawa ang BIR dahil halos lahat ng empleyado ay mababawasan ang income tax.

"'Yong [kumikita] ng P30,000 a month, ang nakakaltas sa kaniya is mga around P6,000. Pero sa [bagong] batas, kapag naging effective na po 'yan, bababa ng around P1,800. So malaki po ang kabawasan," ani Cabreros.

Tinatayang pitong milyong manggagawa ang ma-e-exempt o hindi na magbabayad ng personal income tax simula sa susunod na taon.

Umaasa ang bank teller na si Stephany Abao na lalaki ang kaniyang ipon dahil sa tax reform.

Pasok kasi ang suweldo niya sa exempted sa income tax simula Enero 2018. 

Ang manager naman ni Abao na si Ella Ong, makakaltasan ang binabayarang income tax sa 2018.

Pero kahit mas mataas ang magiging take-home pay, may agam-agam pa rin si Ong sa magiging presyo naman ng iba pang produktong apektado ng tax reform.

Kabilang ang softdrinks at petrolyo sa mga pihadong sisipa ang presyo kapag naipatupad na ang bagong sistema sa pagbubuwis.

Nilinaw naman ng BIR na sa paghahain ng personal income tax sa Abril 2018, iiral pa rin ang lumang patakaran.

Puwede namang gamitin ang “tax calculator” ng ABS-CBN News para makita ang pinagkaiba ng income tax ngayon kumpara sa bagong batas.

Makukuwenta rin dito ang magiging take-home pay sa ilalim ng bagong sistema sa pagbubuwis.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.