'Tokhang' di pinondohan sa isinabatas na 2018 budget

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:38 PM

Tinawag na budget para sa reporma at pagbabago ang P3.7 trilyong 2018 national budget na pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinasalamatan ng Pangulo ang Kongreso sa maagap na pagpasa ng 2018 budget na inaasahang susuporta sa malalaking proyektong pang-impraestruktura ng gobyerno sa ilalim ng "Build, Build, Build" program.

Sa ilalim din ng 2018 budget, wala nang inilaaang pondo para sa "Oplan Tokhang" ng Philippine National Police (PNP).

Inilipat ang pondo para sa pabahay ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga presinto sa buong bansa.

Mayroon ding P50 milyon para sa body cameras ng pulisya. 
    
Nagdagdag din ng P1.2 bilyon para sa anti-drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Mayroon ding inilaan na P40 bilyon para sa libreng tuition sa state universities and colleges (SUCs) at P10 bilyon para sa pampagawa ng gusali sa SUCs.

Popondohan din ang dagdag allowance sa public school teachers na papatak ng P3,500 kada guro, at ang dagdag-suweldo sa sundalo, pulis, at uniformed personnel. 

Sumatutal namang P2.5 bilyon ang budget ng Office of the President kasama na ang confidential at intelligence funds.

Hindi rin ginalaw ang intel funds ng iba't ibang ahensiya na aabot ng mahigit P4 bilyon sa 2018.

Nasa P15 bilyon naman ang inilaan sa pagbangon ng Marawi, bukod pa sa mga regular na budget ng mga ahensiya. 

Mahigit P9 bilyon ang inilaan sa calamity fund at binigyan din ng P7 bilyong quick response funds ang iba't ibang ahensiya para sa mga kalamidad.

Ayon sa bicameral conference commitee report, mahigit P188 bilyon sa orihinal na panukala ang inilipat ng Kongreso sa iba't ibang items.

Ibinawal din ang pagbili ng dengue vaccine ng gobyerno habang di pa tapos ang kontrobersiya sa Dengvaxia.

Tiniyak ng liderato ng Kamara na dumadaan sa pagsusuri ng mga ahensiya ang mga panukalang proyekto bago ilapat sa national budget.

Pamasko ng Palasyo

Watch more in iWantv or TFC.tv

Itinuturing namang pamasko ni Duterte sa mga Pilipino ang pagsasabatas sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

“This is the administration's biggest Christmas gift to the Filipino people as 99 percent of the taxpayers will benefit from the simpler, fairer and more efficient tax system,” ani Duterte.

Inatasan din ng pangulo ang Department of Finance na madaliin ang pagpapatupad sa unang package ng TRAIN pati na ang pagsumite ng ikalawang TRAIN package sa Kongreso.

Sa bagong tax reform law, ang lahat ng kumikita ng P250,000 kada taon o nasa P20,800 hanggang P21,700 kada buwan, wala nang babayarang income tax simula sa 2018.

Tanggal na rin ang personal exemptions gaya ng dating awas sa buwis para sa mayroong nakadependeng hanggang apat na anak.

Pero kahit ang mga empleyadong lagpas sa P250,000 ang kita kada taon, may bawas din sa income tax.

Makukuwenta sa “tax calculator” ng ABS-CBN News ang magiging take-home pay sa ilalim ng bagong sistema sa pagbubuwis.

PINOY TAX REFORM CALCULATOR

Gayunman, magkakaroon ng dagdag singil sa kuryente at presyo ng produktong petrolyo na malamang ay magpapataas ng presyo ng maraming bilihin.

-- May ulat nina RG Cruz, Pia Gutierrez, at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.