P5,000 sahod para sa kasambahay, isinusulong vs epekto ng tax reform

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 10:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nitong Disyembre 15, ipinatupad ang kautusan na mula P2,500 minimum wage kada buwan, magiging P3,500 na ang pinakamababang puwedeng pasuweldo sa kasambahay.

Bunga ito ng isinulong ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board na umento sa sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region (NCR) na kalauna'y inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sakop ng umento sa sahod ang lahat ng domestic workers, stay-in man o kahit hindi nakatira sa bahay, kabilang ang cook, yaya, hardinero, labandera, at household staff. 

"Ang mga kumukuha ng katulong, they can afford [ang umento sa sahod], ani DOLE Sec. Silvestro Bello II.

Malaking bagay ang P1,000 umento para sa mga kasambahay tulad ni Merlita Rosales na inilalaan ang kita para sa kaniyang pamilya.

"Malaking tulong po, lalo na sa mga bilihin namin, malaki na rin 'yon," ani Rosales.

Pero ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), maganda man ang umento sa sahod, maliit pa rin daw ito lalo na't inaasahang tataas ang bilihin kapag tuluyang naisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

"TUCP welcomes the additional P1,000 increase to the minimum wage of kasambahay in NCR but it is still small compared to the increasing prices of goods and services which will be further worsened when the TRAIN... is implemented," saad ng bahagi ng pahayag ng TUCP.

Anila, mas mainam kung magiging P5,000 ang minimum wage ng mga kasambahay.

"Kasambahays ni NCR must receive at least P5,000 a month plus their mandatory social benefits under the law," dagdag ng pahayag ng TUCP.

Kabilang ang pasahe sa mga maaaring tumaas sa pagsasabatas ng TRAIN bill dahil papatawan ng dagdag buwis ang mga produktong petrolyo.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.