ALAMIN: Mga kursong may 'paid internship'

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 11:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maraming kompanya ang tumatanggap na ng mga intern dahil simula na ng ikalawang semestro sa mga paaralan.

Dumarami na rin ang mga kompanyang naghahanap ng intern na kanilang pinasusuwelduhan at binibigyan ng pagkakataong i-absorb o kuhanin matapos grumadweyt.

Isa na rito si Shaira Aberia, isang business administration student.

Apat na raang oras ang kailangang bunuin ni Aberia sa kaniyang internship sa isang kompanya sa Alabang.

Sa internship nahahasa ni Aberia ang kaniyang mga kakayahan sa opisina at pangangasiwa, maging sa advertising.

Ang maganda pa sa pinapasukan ni Aberia'y nakatatanggap siya ng suweldo na parang isang empleyado.

"They're not treating their interns na 'intern ka lang,' employee ka, part ka po nila," ani Aberia.

Paid internship ang diskarte ng mga kompanya dahil naniniwala silang higit sa manpower, plano nilang kuhanin ang sinumang nagsanay na sa kanila.

Dahil kahanga-hanga ang kaniyang ipinapakita sa mga employer, balak i-absorb si Aberia ng kompanya kapag nakapagtapos siya sa pag-aaral.

May ilang kompanya naman ang nakikipagtulungan sa human resource (HR) companies at lumalapit sa mga paaralan para mag-alok ng internship, lokal man o sa ibang bansa.

Karamihan sa mga kursong nauuso ang paid internship:

• Hotel and restaurant management
• Tourism
• Culinary arts
• Business administration
• Management

Nangangailangan din ang mga bansa sa Asya, Gitnang Silangan, Europa, Caribbean, at Amerika ng mga intern sa mga nabanggit na kurso.

"Ilalagay talaga sila doon sa kung anong specific course o inaral nila," ani Jill Castillo-Horiondo, isang HR manager.

Ngunit nilinaw ni Horiondo na nakasalalay sa magiging performance ng isang intern ang posibilidad na i-absorb ito ng kompanya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.