ALAMIN: Tataas nga ba ang 'take-home' pay sa bagong tax reform?

Michelle Ong, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 12:29 AM

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para maipatupad ang una sa limang tax reform package sa susunod na 2018. 

Sa package 1 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill, bababa ang income tax base ngunit tataas naman ang ilang mga gastusin. 

Aminado si Edmundo Manzano na hindi niya sinusundan ang balita tungkol sa tax reform kaya't laking gulat at tuwa naman niya nang malamang hindi na siya kailangang magbayad ng income tax simula 2018 sa oras na mapirmahan ang TRAIN.

"Maganda 'pag wala na kaming tax kasi malaking pakinabang na 'yun sa pamilya," ani Manzano. 

Pati ang mga self-employed na mga professionals tulad ng mga doktor at negosyante, magbebenepisyo sa mas simpleng sistema ng pagbubuwis sa kanila.

Flat rate na 8% na lang ang kanilang babayaran para sa kumikita ng lalagpas sa P250,000 kada taon. 

Sa presyo ng bilihin babawiin

Bababa man ang income tax, babawiin naman ito ng gobyerno sa pagtaas ng presyo ng ibang bilihin gaya ng produktong petrolyo. 

Halimbawa, ang diesel na kasalukuyang walang buwis, papatawan ng P2.50 kada litro sa unang taon ng implementasyon ng TRAIN, mahigit P4 kada litro sa ikalawang taon at P6 sa ikatlong taon. 

Kaya ang full tank ng isang sasakyang may 45 liters na kapasidad, tataas sa mahigit P1,700 mula P1,600. 

At kapag tumaas ang presyo ng krudo, posible ring tumaas ang singil ng pamasahe.

Para naman sa mga mahilig uminom ng juice at softdrinks, may karagdagang buwis din.

Halimbawa, ang isang 1.5 litro ng softdrink na kasalukuyang P46-50, tataas ng halos P20. 

Mabuti na lang at hindi na isasama sa bagong buwis ang gatas at 3-in-1 na kape.

Ang ilan pang mga hindi pinatawan ng buwis:

  • Mga gamot sa diabetes, cholesterol at high blood
  • Socialized housing
  • Senior citizens
  • BPO sa loob ng special economic zones 

Napakarami pang nakapaloob sa tax reform package 1 na layuning gawing mas competitive at patas ang kasalukuyang tax system na hindi na umano angkop sa panahon. 

Pero para sa grupong Action for Economic Reforms, may mga probisyon sa TRAIN na hindi patas, gaya na lang ng karagdagang buwis sa mga sasakyan. 
    
May ilang mga mas mahal na sasakyan na makakakuha pa ng diskuwento sa ilalim ng niratipikahang bersiyon ng TRAIN habang ang mga mas murang sasakyan na nasa P700,000 ang isa ay tataas pa ang babayarang buwis.

"It's a mixed bag of nuts, [and] that gives greater relief to middle and working class and the rich. [But] not the poor," ani Jo-ann Latuja Diosana, senior economist ng nasabing grupo.

Dismayado rin ang grupo sa napakaliit na pagtaas ng buwis sa sigarilyo. 

Inaasahang makakakalap ng P90 bilyon ang tax package na ito.

Mas mababa man ito sa orihinal na target ng Department of Finance, malaking tulong na rin ito sa 'Build, Build, Build" program ng gobyerno. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.