Tantiyang dagdag-singil sa kuryente dahil sa coal excise tax, iba-iba

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 10:53 PM | Updated as of Dec 15 2017 03:46 PM

Niratipikihan ng Kongreso nitong Miyerkoles, Disyembre 13 ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

Pero bago ito aprubahan ng parehong kapulungan, mainit na pinagdebatehan ang buwis sa local coal.

Ikinainis ng ilang senador ang umano'y pagtatanggal sa probisyon ng panukalang batas na nagpapataw ng value-added tax (VAT) at iba pang buwis sa local coal.

Sa inaprubahang bersiyon ng TRAIN bill, walang VAT ang local coal.

Pero papatawan ng mas mataas na excise tax ang coal na isa sa pinanggagalingan ng kuryente sa bansa.
 
Mula sa kasalukuyang P10 kada metriko tonelada, magiging P50 ang excise tax ng coal sa 2018; P100 sa 2019, at P150 mula 2020.

Pinirmahan man ang panukalang batas, nagpahayag ng "reservations" o alinlangan sa TRAIN bill si Sen. Sherwin Gatchalian na chairman ng Senate energy committee.

Aniya, magreresulta ang coal excise tax sa mahigit P14 na dagdag-singil sa kuryente para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan.

Pero ayon naman kay Quirino Rep. Dax Cua na chairperson ng House ways and means committee, base sa pag-aaral ng Department of Finance (DOF), P2 lang ang madadagdag sa binabayaran ng isang household na kumokonsumo ng 100 kilowatt hour kada buwan para sa unang taon ng pagpapatupad ng TRAIN bill kapag naisabatas.
 
Sinang-ayunan din ito ng ekonomistang si Cielo Magno, na nagsabing walang malaking epekto sa mga konsumer ang mas mataas na excise tax sa coal.

Dapat pa nga raw maalis ang exemption ng local coal sa pagbabayad ng VAT at iba pang buwis na nakasaad sa presidential decree ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sabi naman ni Cua, puwede pang pag-usapan sa susunod na tax reform package ang pagtatanggal sa VAT exemption at ibang tax exemption ng domestic coal, tulad ng orihinal na panukala ng DOF.

Itinatanggi rin ni Cua na may nangyaring "hocus pocus" sa pag-apruba ng TRAIN bill. 

'WALANG QUORUM'

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umalma naman si Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa naging proseso ng ratipikasyon ng liderato sa Kamara sa TRAIN bill.

Ayon kay Tinio, kahit walang quorum ay itinuloy pa rin ang ratipikasyon nito.

Paliwanag ni Tinio at iba pang kongresista, bukod sa halos wala nang kongresista, wala rin silang natanggap na kopya ng bicameral conference committee report para masuri bago magbotohan.

Taliwas din daw ito sa patakaran ng Kamara.

"Wala pa 'atang 10 'yong nasa floor, nag-object tayo hindi tayo ni-recognize ng presiding officer tapos sabi nila 'there being no obection, the bicameral report for the TRAIN is approved.' Ang tawag ng floor leaders sa ganiyang style 'sagasa'," ani Tinio.

"Hangin ang ni-ratify nila kagabi... walang binigay na kopya, maliban sa walang quorum," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Wala si House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa sesyon pero pinanindigan niyang walang mali sa ratipikasyon.

Magdemanda na lang daw sa korte o umapela sa susunod na sesyon ang sinumang may reklamo.

Saad ng bahagi ng pahayag ni Fariñas: "... the Bicameral Conference Committee Report on the TRAIN was duly ratified. If any member is contesting the report of the presiding officer and the floor leaders about the proceedings leading to the ratification of the BiCam Committee Report on the TRAIN, such member could bring it to the attention of Plenary or, if not contented, to the courts."

Nagpasalamat naman ang Malacañang na ipinasa na ng kongreso ang TRAIN na inaasahang magpapasok ng dagdag na bilyon-bilyong piso sa kaban ng bayan.

"The 2018 National Budget is a budget that seeks to reform and transform. And with its approval, we hope to provide sufficient funding for the administration's thrust and priority programs," ani presidential spokesman Harry Roque. "So we assure everyone that we will use people's money to good use..."

Base sa pinakahuling pagtataya ng DOF, magdadagdag lang ng P92 bilyon ang niratipikahang TRAIN bill. 

Mababa ito sa unang pagtataya na P130 bilyon sa unang taon ng pagpapatupad nito kapag naisabatas.

-- Ulat nina Vivienne Gulla, RG Cruz, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.