Bagong sistema sa buwis, pirma na lang ni Duterte ang kulang

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 02:34 AM | Updated as of Dec 15 2017 09:22 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinagtalunan ng parehong kapulungan ang tax sa local coal

Aprubado na ng Kongreso ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill matapos ratipikahan ng Kamara at Senado nitong gabi ng Miyerkoles ang bicameral conference committee report para rito.

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para ganap na itong maisabatas.

Nitong Martes, Disyembre 12, pa nakatakdang ratipikahan ng Kongreso ang TRAIN Bill na magpapababa ng income tax, pero magtataas ng ilang buwis.

Pero naaantala ito dahil hindi magkasundo ang Kamara at Senado sa probisyon ukol sa pagbubuwis sa local coal.

Ikinainis ng ilang senador ang umano'y pagtatanggal sa probisyon ng panukalang batas na nagpapataw ng value-added tax (VAT) at iba pang buwis sa local coal.

Dati kasi, halos hindi nagbabayad ng buwis ang mga producer ng coal sa bansa dahil mayroon silang tax exemption.

"Dalawang committee report, House and Senate, walang disagreeing provisions, bakit nangyari ito [nawala ang coal tax]?" sabi ni Sen. Joel Villanueva. "As of 2 in the morning, nandoon pa 'yon. Noong 5 in the afternoon, noong papipirmahan na, wala na."

"It appears that it's the House contingent, na somehow we are surprised, that they are actually repealing the PD 972... Iisa lang naman ang kompanya na 95% na nagpo-produce ng coal. [Ano 'yon, sir?] Consunji," dagdag ni Villanueva.
 
Pero ayon sa ilang mambabatas, nagkaroon lang ng magkaibang interpretasyon ng panukalang batas.

"The House insisting that the coal tax applies only to imported coal. The Senate panel is taking the position that it applies to both imported and locally-produced coal," ani Sen. Franklin Drilon.
 
"I think it's a misinterpretation. So to clarify it, we fixed it to say that all coal whether local or domestic or imported will be taxed the same way," ani Quirino Rep. Dax Cua na chairperson ng House ways and means committee.
 
Umalma naman si Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa naging proseso ng ratipikasyon ng Kamara sa TRAIN Bill.

Ayon kay Tinio, kahit walang quorum ay itinuloy pa rin ng presiding officer at ng majority floor leader ang ratipikasyon nito.

Sinabi naman ni Villanueva na ang huling napag-usapan sa Senado ay payagan ang exemption ng local coal sa VAT, pero ipapataw pa rin ang excise tax.

Base sa paliwanag na ibinigay sa media ng Senado ukol sa TRAIN bill na inaprubahan ng bicameral conference committee, itataas ang buwis sa coal mula sa P10 kada metriko tonelada sa P50 para sa unang taon ng pagpapatupad nito.

Magiging P100 sa ikalawang taon at 150 sa ikatlo at mga susunod pang taon.

Mas mababa ito sa orihinal na panukala ng Senado na P300 kada metriko tonelada matapos mag-usap ng mga kinatawan ng mataas at mababang kapulungan. 

TAX SA LOCAL COAL

Pinuri naman ng environmental group na Institute for Climate and Sustainable Cities ang pagpataw ng buwis sa coal.

Napapanahon na anila para buwisan ito dahil napakatagal nang barya lang daw ang ibinabayad na buwis.

Pabor din dito ang ekonomistang si Cielo Magno ng Extractive Industries Transparency Initiative ng UP School of Economics.
 
Aniya, hindi patas kung exempted ang local coal mula sa buwis.

Malinaw din daw na ang makikinabang lang sa exemption ay ang Semirara na nagsu-supply ng 90% ng local coal.

Saad ng pahayag ni Magno: "Malinaw po kung sino ang makikinabang dito. Ito po ang Semirara dahil ito ang nag-a-account para sa 90% ng local coal production. For 40 years nakinabang sila dahil wala silang binabayarang excise tax."

Bukod sa coal, bubuwisan din ang sweetened beverage at cosmetic procedures o pagpaparetoke.
 
Itataas naman ang buwis sa pagbili ng petrolyo, bagong sasakyan, at sa sigarilyo.
 
May probisyon din ang panukalang batas para sa social benefits at subsidiya sa mga driver ng public utility vehicles.
 
Inaasahang P130 bilyon ang madadagdag sa kita ng pamahalaan sa unang taon ng pagpapatupad ng unang tax reform package.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.