Singil sa kuryente, may bawas ngayong Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 01:06 PM | Updated as of Dec 08 2017 12:44 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bababa ng P0.38 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Disyembre.

Ang mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWH ngayong buwan ay may bawas na P75.

Nasa P113 naman ang bawas sa kumokonsumo ng 300 kWH, P151 sa 400 kWH, at P189 sa 500kWh kada buwan.

Nasa P0.30 kada kWH ang bawas sa generation charge.

Tatapyasan ang singil sa kuryente dahil sa magandang kondisyon ng power grid noong Oktubre at sa paglakas ng piso kontra dolyar, ayon sa Meralco. 

Samantala, aapila ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa desisyon ng Court of Appeals, na pumabor sa mga power plant na maningil ng dagdag na P17 bilyon sa mga konsumer sa Luzon.

Dahil ito sa pagsirit ng singil sa kuryente noong Nobyembre 2013.

Bunsod nito, tinatayang nasa P3.50 kada kWH ang dagdag-singil sa mga konsumer ng Meralco.

Binalaan na rin ng Meralco ang mga konsumer na tataas ang singil kapag tuluyang naging batas ang panukalang dagdag-buwis sa coal.

Hanggang P0.15 kada kWH ang tantiyang dagdag kapag naging P300 kada tonelada ang buwis sa coal.

"Every centavo counts so we cannot say that there is such a thing as negligible increase and we have to be very prudent in any rate adjustment," ani Larry Fernandez, pinuno ng Meralco Utility Economics.

Ngayong linggo inaasahang maisasampa ng Senado at Kamara ang tax reform bill na balak simulan sa Enero 2018.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.