Mga manggagawang walang kita sa ASEAN holidays, sabik nang magbalik-trabaho

Tina Marasigan, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 07:01 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagresulta man sa sari-saring kasunduan sa rehiyon ang pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa, tila naging kalbaryo naman ito sa mga manggagawang nabubuhay sa araw araw na pagkayod.

Apektado kasi ang kanilang kabuhayan sa nagdaang mga araw na walang pasok dulot ng ASEAN.

Walang magawa ang pamilya ni Mang Raymundo, isang bus driver, kung hindi dobleng pagtitipid sa apektadong arawan na kita. 

"Pag po walang ulam bibili na lang po ng itlog tapos sa gabi depende po pag may delata, yan na lang po inuulam namin," kuwento ni Raymundo Carabaccan.

Ganito rin ang naging diskarte ng kapwa tsuper na si Anthony Mercado.

"Eto nga tipid na tipid kami kagaya ngayon. Kagaya kaninang umaga, dati nag aalmusal pa kami ng pandesal, ngayon wala, kape muna," ani Mercado.

Sa tanghalian, pinagtiyagaan nila ang noodles at sardinas. 

Para sa dalawang manggagawa, halos wala silang kita sa tatlong araw na holiday dahil matumal ang pasahero.

Sinabayan pa ito ng mga isinarang daan na siya ring ruta sa kanilang pamamasada.

"Pag dumaan yung mga delegates, pahihintuin ka nila at hindi ka puwedeng dumaan. Papano namin makukuha yung boundary namin pag ganon? Kasi sa aming mga driver napakahalaga ng minuto," hinaing ni Mercado.

Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), sapul ang mga kita ng informal sector workers tulad ng mga tsuper at vendors tuwing magkakansela ng pasok sa trabaho at eskuwela.

Sa Huwebes, balik na ulit sa trabaho ang lahat.

Maaaring nabitin pa sa bakasyon ang ilan, pero ito ay ikinasasabik na ng iba pang manggagawa na umaasa sa araw araw na pagkayod para sa pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.