'Business as usual': Mga bangko, mananatiling bukas sa ASEAN holidays

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 12:45 AM | Updated as of Nov 12 2017 03:29 PM

Business-as-usual ang halos lahat ng bangko kahit pa non-working holiday sa susunod na linggo para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa bansa. 

Inanunsiyo ng Bankers Association of the Philippines na mananatiling operational ang mga miyembro nilang bangko partikular na sa National Capital Region mula Nobyembre 13 hanggang 15.

Inabisuhan din nila ang mga depositor na kontakin ang mga branch ng kanilang bangko para malaman ang schedule ng mga ito.

Ayon sa BDO Unibank, BPI at BPI Savings Bank, at Metrobank, halos lahat ng kanilang branches ay patuloy na magseserbisyo sa kanilang mga kliyente sa susunod na linggo, maliban lang sa ilang branches na apektado ng road lockdown.

"BDO's electronic banking channels are likewise ready to accommodate various banking transactions," ayon sa pahayag ng BDO. 

Ang Chinabank naman, ang mga branch lang sa Macapagal Ave. Aseana sa Parañaque City, Macapagal Ave. Biopolis sa Pasay City, at Solemare sa Parañaque City ang magsasara kasabay ng holiday.

Pati ang Philippine Stock Exchange Inc. at Securities Clearing Corp. of the Philippines, sinabihan ang mga market participant at publiko na magkakaroon pa rin ng trading kahit pa ASEAN holiday.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.