Dagdag-buwis sa mga cosmetic procedure, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:50 PM | Updated as of Nov 10 2017 11:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinututulan ng Philippine Dermatological Society (PDS) ang pagpapataw ng excise tax sa mga cosmetic procedure kasama ang pagpapagamot ng taghiyawat, pagpapatanggal ng kulugo at wrinkles.

Sama-samang kinondena ng mga doktor ng PDS nitong Biyernes ang Senate Bill 1592 na nagpapanukalang patawan ng 20% excise tax ang mga cosmetic procedures na nagpapaganda lang ng katawan.

Ayon sa kanila, hindi lang pagpapaganda ang layunin ng cosmetic procedures dahil base sa pag-aaral ay nakakaapekto sa pag-iisip ng tao ang pagpapaayos ng balat at maaari itong maging sanhi ng depression kung hindi nasosolusyonan.

“The anxiety produced in the patient can be so devastating, adversely affecting his self-image and even social interactions that a conscientious physician or a PDS dermatologist for that matter cannot simply ignore," pahayag ng PDS.

Wala pang reaksiyon dito ang ilang mambabatas pero umaasa ang mga doktor na magbabago ng posisyon ang mga ito lalo't hindi umano puwedeng sabihin na hanggang sa panlabas na kaanyuan lamang nasusukat ang kalusugan ng tao. 

Samantala, hindi naman sakop ng panukala ang mga procedure na nagbabalik ng dating function ng katawan mula sa congenital disorder, trauma, burns, infections, at disease.

Nauna na ring pinuna ng isang cosmetic surgeon na hindi patas para sa mga babae at overseas Filipino worker (OFW) ang nasabing panukala dahil sila ang karamihan sa sumasailalim sa mga procedure. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.