Singil sa kuryente tataas ngayong Nobyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 12:58 PM | Updated as of Nov 09 2017 11:42 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tataas ang singil sa koryente ngayong Nobyembre dahil umano sa mas mataas na generation charge, ayon sa Meralco.

Magtataas ng P0.34 kada killowat hour (kWH) ang singil sa kuryente kung kaya papatak ang kabuuang bayarin ng P9.63 kada kWH.

Ibig sabihin, ang mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWH ngayong buwan ay kailangang magbayad ng dagdag na P68.72.

Paliwanag ng Meralco, ang dagdag-singil sa presyo ng koryente ay dahil umano sa P0.19 kada kWH na dagdag-singil sa generation charge. 

Ang pagtataas daw ng generation charge ay dala ng paghina ng piso kontra dolyar.

Bumagsak din ang ilang planta nitong nakaraang buwan kaya tumaas ang bentahan ng kuryente sa wholesale electricity spot market o WESM.

Pero para sa Bayan Muna party-list, dapat busisiin ng Energy Regulatory Commission ang mga dagdag-singil at kailangan maipagtanggol ang mga konsyumer laban sa mga pagtaas ng rates.

Sabi naman ng Meralco, inaasahang bababa naman ang singil ng kuryente sa Disyembre dahil mas mababa ang demand dahil sa lamig ng panahon.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.