Presyo ng langis, sisipa; singil sa koryente, nagbabadyang tumaas

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 07:06 PM | Updated as of Nov 06 2017 11:19 PM

Sa ikaapat na sunod na linggo, tataas muli ang presyo ng gasolina.

Nag-anunsiyo na ang mga kompanya ng langis ng dagdag sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene.

OIL PRICE HIKE

  • Flying V (Nobyembre 7, 12:01 A.M.)
  • CPI, Eastern Petroleum, Petron, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, Seaoil, Shell, Unioil (Nobyembre 7, 6 A.M.)
  • DIESEL     P0.55/Litro
  • GASOLINA    P0.90/Litro
  • Flying V (Nobyembre 7, 12:01 A.M.)
  • CPI, Petron, Seaoil, Shell (Nobyembre 7, 6 A.M.)
  • KEROSENE    P0.75/Litro

Simula bukas, P0.55 ang dagdag-presyo sa kada litro ng diesel, P0.90 ang dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina, at P0.75 naman sa kada litro ng kerosene.

Kung isasama sa kuwenta ang galaw sa presyo ng petrolyo bukas, papalo na sa P2 ang kabuuang dagdag sa gasolina dahil sa apat na magkakasunod na oil price hike.

Sa diesel naman, umabot na sa P1.15 ang dagdag kada litro simula noong Oktubre 17.

Kaya ang motoristang si Hermie Castro, nagpa-"full tank" na agad sa kaniyang sasakyan matapos mabalitaan ang dagdag-presyo sa petrolyo.

Pero giit niya, hindi makatarungan ang muling pagtataas ng presyo ng petrolyo samantalang maliit lang ang naging rollback sa presyo nito.

Umaaray na rin ang transport network vehicle service driver na si Boyet Adecer pero wala naman daw magawa dahil kailangan ang petrolyo sa negosyo.

Maging ang singil sa koryente ng Meralco ay nagbabadya ring tumaas sa November bill.

Bunsod ito ng pagbagsak ng maraming planta ng koryente noong Oktubre na nagpamahal ng bentahan ng koryente sa spot market at paghina ng palitan ng piso kontra dolyar. 

Bunsod nito, maaaring tumaas ang generation cost, pero ayon sa Meralco, hindi naman daw gaanong kalaki ang inaasahan nilang dagdag-singil sa koryente.

Sa Huwebes, Nobyembre 9, iaanunsiyo ng Meralco ang aktuwal na dagdag sa generation charge at iba pang charges sa November bill ng mga konsyumer. -- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.