Kurso ukol sa pagnenegosyo, handog ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2017 03:07 PM | Updated as of Nov 05 2017 08:01 PM

Karamihan sa atin ay may mga natatanging ideya sa negosyo ngunit hindi alam ang angkop na paraan upang maipatupad ito.

Handog ng Department of Trade and Industry (DTI) ang "Kapatid Mentor Me" project, isang programang naglalayong magbigay ng karagdagang kaalaman ukol sa pagpapatakbo ng negosyo.

Kabilang sa mga itinuturo dito ay iba't ibang diskarte sa marketing, pag-akit ng mga kliyente, at pag-balanse ng kita para mas mapalaki ito.

Ang programa ay isang public-private partnership sa pagitan ng DTI at Philippine Center for Entrepreneurship.

Tampok sa libreng kurso ang one-on-one mentoring upang mas tutok ang pagtuturo sa estudyante.

Sa ngayon, nasa 2,000 Filipino na ang nagtapos ng kurso.

Kabilang sa mga kumuha nito si Mery Cel Morales, na mayroong food business.

Sumali siya sa kurso sa pagnanais na lumago ang kita.

Natuto si Morales na pagandahin ang packaging na kaniyang mga paninda. 

Nagkaroon din ng iba't ibang timpla ang kaniyang binebentang relyenong bangus.

Dahil tumaas ang kalidad ng produkto, naging supplier din si Morales sa ilang restoran.

Aniya, maihahalintulad sa pagkuha ng master's degree ang programa.

Pasok sa programa ang mga nasa edad 18 pataas, nagbabalak o di kaya'y may nasimulan nang pinagkakakitaan, at handang dumalo at tapusin ang mga klase.

Sa mga nagnanais lumahok sa "Kapatid Mentor Me," pumunta lamang sa mga sangay ng DTI para sa iba pang detalye.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.