Presyo ng galunggong, nagbabadyang pumalo ng P170/kilo

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 08:58 PM

Nagbabadyang sumipa ang presyo ng karaniwang abot-kayang galunggong kasunod ng idineklarang "closed season" o pagbabawal sa paghuhuli ng naturang isda.

Kasalukyang nasa P120 kada kilo ang presyo ng galunggong sa palengke.

Kapag nagkataon, maaaring sumipa hanggang P160 o P170 ang presyo kada kilo nito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Stock Assessment Program, patuloy na bumabagsak ang produksiyon ng galunggong sa Palawan dahil sa overfishing at hindi tamang paraan ng paghuli rito o "unsustainable harvest". 

Nakikitang solusyon sa bumabagsak na produksiyon ang seasonal control.

Hindi pa man lubusang nararamdaman ang epekto ng closed season sa galunggong, pero ngayon pa lang, tumataas na ang presyo nito kahit pa hindi sariwa o frozen galunggong ang bumabagsak sa ilang palengke.

May ilang mamimili tuloy na napapabili na lang ng salmon dahil mas mura pa raw ito sa galunggong ngayon.

Paliwanag ng ilang fish vendor, ipinapasa lang nila sa mamimili ang mas mataas ding presyo mula sa kanilang pinagkukuhanan.

Mula sa Palawan ang 92% ng galunggong na ibinababa sa Navotas fish port habang mula rin sa lalawigan ang 22% ng produksiyon ng galunggong sa bansa.

Dati nang nagpatupad ang BFAR ng closed season sa galunggong at epektibo naman ito ayon sa mga mangingisda sa Palawan dahil lumaki at tumaba ang naturang isda sa loob ng dalawang taong ban sa panghuhuli rito. 

Hindi pa papakialaman ng Department of Trade and Industry ang presyo ng galunggong sa ngayon, pero posibleng mapag-usapan kung maglalagay ng price ceiling dito kapag nagpulong ang National Price Coordinating Council sa mga susunod na linggo.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.