Bakit kailangan ayusin ang 'hatian' bago ang kamatayan?

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 09:31 PM

Hindi lang pang-mayaman ang usapin sa mana

Naiilang sa usaping mana ang karamihan sa mga pamilyang Pilipino at may kaniya-kaniya silang dahilan kung bakit hindi sila gumagawa ng "estate plan" o plano para maging malinaw ang hatian ng ari-arian kapag pumanaw na ang mga magulang.

Pero ayon sa eksperto, mahirap umasa sa "hating kapatid."

"Kapag wala tayong pagpaplano, di ba naririnig mo sa mga news na nagpatayan dahil sa mana di ba? Kasi hindi talaga maayos 'yong pagkaka-segregate o subdivide ng mga pag-aari," ayon kay Dr. Pinky De Leon-Intal, associate estate planner.

"'Yan ang gusto nating iwasan, gusto naman natin peaceful 'yong mga maiiwan natin sa buhay na hindi na sila mag-aaway dahil lang sa... pag-aari."

Ayon pa kay De Leon-Intal, hindi lang para sa mga may pera ang estate planning.

"Kapag namatay ang isang loved one, hindi lang naman estate 'yong pinag-uusapan. Napakaraming gastos... May mga utang 'yong namatay so ang problema minsan, naipapasa pa natin sa mga mahal natin sa buhay ang utang kaya napaka-importante ang pagpaplano," ani De Leon-Intal.

Pero paano nga ba planuhin ang hatian sa mana?

Ayon sa estate planner, unang hakbang ang paglilista ng lahat ng ari-arian, kasama na din ang utang, para malaman kung ano ang maipapamana sa pamilya.

Humanap ng financial expert na makakatulong sa pagsulat ng last will and testament dahil kailangan sundan ang tamang format para hindi ito makuwestiyon sa korte. 

Maghanap ng katiwalang hindi kaanak na mamamahala sa estate plan at siguraduhing updated ang plano taon-taon.

Kung puro utang naman, mainam na gumawa ng paraan para mabayaran ito o maghanap ng insurance plan na makakatulong sa pamilya sa pagbayad ng utang.

Makatutulong din ang insurance sa mga iba pa nilang gastusin, lalo na kung breadwinner ang namatay.

Kung may lupa o pera, mahalagang maging malinaw kung paano ang hatian para walang away.

-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.