Panukalang compressed work week, tinutulan ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 09:21 PM

Bagama't lusot na sa mababang kapulungan ang panukalang batas na "compressed work week" o ang pagtapyas sa araw ng trabaho kada linggo, malabo raw itong maging ganap na batas, ayon mismo sa kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE). 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinanigan nila ang naging posisyon ng mga employer at manggagawa na nagkasundong tutulan ang nasabing panukala.

"Ang consensus ng labor and management [groups], they are not in favor. So we adopted the position of both management and labor. Department of Labor [and Employment] does not favor yung compressed working hours," pahayag ni Bello. 

Paliwanag ni Bello, hindi sanay ang mga manggagawa sa higit walong oras na trabaho sa isang araw, lalo pa kung madaragdagan ito ng overtime. 

Hindi rin daw pumapanig dito ang management sector dahil maapektuhan ang kita ng kumpanya. 

Dagdag ni Bello, mayroon nang existing Department Order na nagpapahintulot sa magkabilang panig na pagkasunduan ang tinatawag na "flexi-work."

Sa panukalang House Bill 6152, magiging apat na araw na lang ang pasok ng mga trabahador sa halip na lima. Pero imbes na walong oras ang trabaho sa isang araw, magiging 10 oras na ito.

Ipinanukala ang compressed work week para magkaroon umano ng "work-life balance" ang mga manggagawa.

Matapos aprubahan ng Kamara, nakatakda itong talakayin sa Senado.

--Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.