Suweldo may dagdag para sa papasok sa special non-working day

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 10:05 PM

Idineklara ng Palasyo na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa National Capital Region (NCR), Pampanga, at Bulacan dahil sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit. 

Kasabay nito, pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na sumunod sa patakaran sa pasuweldo tuwing special non-working day.

Sa ilalim ng patakaran, may dagdag na 30% sa daily rate o sahod ang empleyadong papasok sa special non-working day.

Kapag naman lumagpas ng walong oras ang trabaho, may dagdag na 30% din sa kaniyang overtime o hourly rate. 

Sakaling araw din ng day-off o rest day sa special non-working day at kailangang pumasok, 50% ang dagdag sa daily rate ng empleyado.

Ilang manggagawa, employers, umalma sa mahabang hoilday

Kung mayroon may dagdag-sahod sa special non-working day, umaalma naman ang mga employer at mga manggagawang "no work, no pay" sa mahabang holiday na itinakda ng pamahalaan sa Nobyembre. 

Ayon sa labor group na Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), may masamang epekto ang dagdag na holidays sa mga manggagawa na arawan ang sahod at mga nagtatrabaho sa may "no work, no pay" policy. 

Bukod pa rito, maaapektuhan anila pati informal economy workers tulad ng mga driver ng pampublikong sasakyan at mga vendor.

“Apektado rin ang mga manggagawang nasa informal economy... jeepney drivers, pedicab at kuliglig drivers, vendors, manggagawang nasa mga carinderia, canteen, internet shops, photocopiers etc. na nakapalibot at nakadepende sa mga schools at government offices,” ani ALU-TUCP.
        
Tutol din ang Employers Confederation of the Philippines sa mahabang holiday dahil puwede naman anilang magbigay ng special lane para sa mga bisita.

Humihingi naman ang DOLE ng pakikisama mula sa iba-ibang sektor para maayos na maidaos ang ASEAN Summit.

Bukod sa mahabang holiday na idineklara ng pamahalaan, nagsuspende rin ang Metro Manila mayors ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Nobyembre 16 at 17.
 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.