'Bilang ng construction workers sa Pinas, sapat'

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 06:35 PM

Kasabay ng pag-arangkada ng iba't ibang proyektong pang-impraestruktura ng pamahalaan, sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na may sapat na construction workers ang bansa upang tustusan ito. 

Ayon kay DTI Undersecretary for Competitiveness and Ease of Doing Business Ruth Castelo, wala umanong "shortage" ng manggagawa sa Pilipinas, salungat sa duda ng ilan. 

"We have 10 million people unemployed. We are training them. They are not skilled [but] we are training from zero knowledge to minimum to maximum knowledge," depensa ni Castelo. 

Aniya, ang problema ng bansa ay "mismatch" o ang hindi tugmang kakayahan ng manggagawa sa mga bakanteng trabaho. 

"[T]here is [none] kasi if there is a shortage of labor, that contradicts the fact that we have high unemployment rate. Hindi ko ma-reconcile," paliwanag ni Castelo. 

Sa kasalukuyang datos, mayroong 3.3 milyong construction worker sa Pillipinas. Nasa 30% lamang sa mga ito ang tinatawag na "skilled" o likas na may alam sa nasabing trabaho. 

Sa tantiya ng sektor, kailangang ng 2.5 milyon pang karagdagang construction workers hanggang 2021 at 2022 para maisakatuparan ang ambisyosong mga proyektong nakalatag para sa bansa. 

Pangako ni Castelo, kakausapin nito ang mga malalaking contractors na nagdadala ng mga banyagang trabahador sa bansa sa pamamagitan ng alien employment permits. 

Halimbawa niya, ang mga proyektong pinondohan ng China ay ipinapaubaya sa mga kapwa Chinese contractors.

Susubukan aniya ni Castelo na baguhin ito para ipasok ang mga Pilipinong construction workers.  --Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.