ASEAN holidays, dagok para sa ilang manggagawa: labor group

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 04:42 PM

Imbes na biyaya, kalbaryo para sa ilang manggagawa ang special non-working days na idineklara ng pamahalaan para sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre, sabi ng isang labor leader, Martes. 

Ito'y dahil walang aasahang suweldo ang contractual workers at mga empleyado ng mga kumpanyang may "no work, no pay policy" tuwing non-working holiday, paliwanag ni ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP). 

"Wala silang mai-invoke na karapatan kundi makiusap na lang siguro sa kanilang employer na papasukin sila," ani Tanjusay sa panayam ng DZMM.

Ang mga naturang grupo ay hindi katulad ng regular employees na may suweldo pa rin tuwing non-working day at maaari pang makakuha ng dagdag na 30 porsyento ng kanilang sahod kung papasok sa trabaho, dagdag ni Tanjusay. 

Nakakakuha rin aniya ang regular employees ng double pay kung magtatrabaho kapag regular holiday. 

Ani Tanjusay, magsusulong ang ALU-TUCP ng panukalang-batas para mabigyan ng pamahalaan ng mga benepisyo ang mga manggagawang nawawalan ng kita sa mga holiday. 

Idineklara ng pamahalaan na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga. 

Special non-working holiday rin ang All Saints' Day sa Nobyembre 1. 

DZMM, 24 Oktubre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.