Puhunan mula sa dayuhang negosyante, bumaba

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 09:56 PM | Updated as of Oct 12 2017 02:02 AM

Halos P400 milyon na ang nagagastos ni Pangulong Duterte para sa 17 foreign trips. Kasama sa gastos ang paghikayat sa mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas. 

Pero base sa pinakahuling datos sa foreign direct investments (FDI), bumaba sa unang pitong buwan ang FDI na nasa $3.9 bilyon, kumpara sa $4.7 bilyon noong nakaraang taon.
        
Ginagamit ang datos ng FDI para makita kung gaano karaming pera ang ipinapasok sa Pilipinas ng mga dayuhang negosyante.

Tingin ng isang analyst, posibleng may kinalaman ang isyu ng extrajudicial killings (EJK) at mabagal na pagpapatupad ng infrastructure projects kaya't hindi nahihikayat mamuhunan sa bansa ang mga banyaga.

"It's probably the EJK and delays in infra rollout causing concern, so foreigners have this wait-and-see attitude. Government is making an effort to address these," saad ng text message ni Ed Francisco, BDO Capital president.

Nababahala tuloy si Senador Franklin Drillon, lalo na't kasabay din sa pagbaba ng FDI ang pagbagsak ng satisfaction ratings ni Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations.

Pero sagot ng Department of Finance (DOF), malaki ang naiambag ng foreign trips ni Duterte sa ekonomiya.

Papalo na raw sa $37 bilyon ang ipinangakong investments, bukod pa rito ang mga pautang sa pamamagitan ng official development assistance, at iba pa.

Saad ng pahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez: "President Rodrigo Roa Duterte's visits to countries during his first year in office have generated approximately $59.3 billion in economic benefits to the country. The trips resulted in various deals such as $37 billion worth of investment pledges between business to business through the signing of Memorandum of Understanding/ Letter of Intents; $18 billion in official development assistance funds (ODAs); and $4.3 billion in trade. Countries visited were: Indonesia, Vietnam, Brunei, China, Japan, Malaysia, Cambodia, Singapore, Myanmar, Thailand, Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, and Russia."

Sabi rin ng analyst na si Riche Lim ng BPI Securities, hindi naman nakakabahala ang paghina ng piso dahil gumagastos ang gobyerno at pribadong sektor para sa pag-angkat ng mga materyales na kailangan para sa impraestruktura at industriya.

Sagot din ng National Economic and Development Authority, hindi nila ito pinapabayaan.

Nasa New York ngayon sina Dominguez, Budget Secretary Ben Diokno, at Planning Secretary Ernesto Pernia para manghikayat ng mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas. 

-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.