ALAMIN: Ilang pagkakakitaan para may dagdag-budget sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 06:04 PM | Updated as of Sep 24 2017 08:41 PM

Kadalasang naghahanap ng dagdag pagkakakitaan ang mga Pinoy sa tuwing nalalapit ang Pasko.

Kabilang sa mga gusto ng added income ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nag-iisip kung paano mapapalago ang kanilang naipon mula sa ibang bansa.

Ayon sa iMoney, isang financial website sa Southeast Asia, may walong patok at madaling kabuhayang maaaring pasukin ng mga Pinoy.

Una na rito ang pagbibigay ng online freelance services.

Kailangan lang ng gadget at maayos na online connection para makapag-alok ng skills sa iba't ibang online freelance positions tulad ng pagiging writer at editor.

Sa puhunang P1,000 naman, maaari nang magnegosyo ng ukay-ukay na damit.

Puwede rin subukan ang pagiging load retailer na may P5,000 ang puhunan.

Sa mga mas may malaking ipon naman, patok ang pagiging retailer ng bigas sa puhunang P20,000 hanggang P100,000.

Kung mayroon namang espasyo sa isang gusali, maaari itong ipaupa bilang short-term workspaces.

Hanggang kalahating milyong pisong puhunan naman ang kakailanganin para sa mga negosyong tulad ng laundry shop, convenience store, at botika.

Malaki man ang puhunan sa mga naturang negosyo, makaaasa rin naman ng mas malaking "balik ng pera" basta tama rin ang patakbo at diskarte sa negosyo.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.