Magkano ang makakaltas sa suweldo mo sa ilalim ng tax reform?

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 09:01 AM

Kung tuluyang lulusot sa Kongreso ang House Bill 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, hindi na kakaltasan ng income tax ang mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon, o katumbas ng sumasahod ng nasa P20,000 kada buwan.

Gamit ang 'Pinoy Tax Reform Calculator' ng ABS-CBN News, kapag ipinasok ang halagang P20,000 bilang buwanang sahod, halimbawa, lalabas ang iba't ibang buwanang kaltas kabilang na ang buwis.

Sa ilalim ng TRAIN Act, magiging "zero" na ang income tax para sa ganitong sahod.

Kaya naman ang dating ikinakaltas na buwis, magiging dagdag take-home pay na.

Ang calculator ay proyekto ng Data Analytics Team at News Digital Media ng ABS-CBN News.

Bukod sa calculator, nakalatag din sa Pinoy Tax Reform Calculator ang mga impormasyon tungkol sa mga produktong ang presyo ay posibleng tumaas, tulad ng produktong petrolyo, bagong sasakyan, at mga inuming may halong asukal.

Ayon sa tax expert na si Mon Abrea, kailangang masusi munang pag-aralan ang isinama sa tax reform package, tulad ng pagpataw ng buwis sa mga inuming may halong asukal at ang excise tax sa diesel na tatama sa mga "low-income earner" tulad ng sari-sari stores.

Iminungkahi niyang dagdagan na lang ang buwis sa mga bisyong tulad ng alak at sigarilyo.

Tinatalakay na rin sa Senado ang unang bahagi ng tax reform package.

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Ang Patrol.PH ay website ng ABS-CBN News Digital

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.