Tenants ng may-ari ng Inquirer, evicted

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:31 PM | Updated as of Aug 17 2017 08:33 AM

Nagsimula nang magsialis ang mga tenant ng Sunvar Realty Development Corporation, ang may hawak sa Mile Long property sa Amorsolo Street sa Makati City, matapos mabigyan ng korte ng 'notice to vacate'.

Inihain ni Solicitor General Jose Calida sa Sunvar Realty kahapon, Agosto 15, ang notice to vacate ng Makati City Regional Trial Court Branch 141 na inatasan ng Court of Appeals para sa implementasyon ng naunang desisyon ng Makati City Metropolitan Trial Court Branch 61.

Kailangang iwan ng Sunvar at kanilang mga tenant ang 2.9 ektaryang property sa loob ng tatlong araw.

Inuutusan din ang Sunvar na magbayad ng P478,200,600 na rental sa gobyerno.

Ang Sunvar Realty ay pag-aari ng mga pamilyang Prieto at Rufino, ang may-ari ng Philippine Daily Inquirer. Napagkasunduan ng pamilya na ibenta ang pahayagan sa negosyanteng si Ramon Ang.

Bago pa man umaksiyon ang Solicitor General, binabanatan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Sunvar at ang pamilya Prieto.

Noong Hulyo 17, inakusahan ng Pangulo ang mga Prieto ng 'swindling' dahil sa pag-okupa sa 2.9 hectares na lupang pag-aari ng gobyerno.

Sa pahayag naman ng Sunvar Realty, susunod sila sa legal na proseso at lilisanin ang Mile Long.

Sinabi rin nila na base sa kontratang naka-annotate sa titulo, sa 2027 pa mag-e-expire ang kanilang pag-upa sa Mile Long at nakapagbayad na rin sila ng P16.8 milyon bilang paunang renta.

Pero ang ibang tenant ng Sunvar, hindi pa nag-iimpake dahil wala pang abiso ang Sunvar sa kanila.

Nakatakdang pulungin ng Sunvar ang kanilang mga tenant kung saan inaasahang opisyal na sasabihin sa kanila ang pagsunod ng kompanya sa legal na proseso.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.