LTFRB: Uber, sinuspende ng isang buwan bilang 'leksiyon'

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 10:17 PM | Updated as of Aug 15 2017 12:46 AM

Isang buwang suspendido ang operasyon ng Uber Systems Inc. (Uber) matapos umanong lumabag sa utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tumigil muna sa pagtanggap ng mga bagong unit ng Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Sa panayam ng "S.R.O." ng DZMM, sinabi ni Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita at board member ng LTFRB, sinubukan mismo ng kanilang tanggapan na magrehistro sa Uber app bilang TNVS. Inaprubahan ng Uber ang tatlo nilang aplikasyon.

"Nakapasok kami ng tatlong cars sa kanilang system despite the order [to stop additional accreditation of TNVS]... 'Yong isa pa din doon [sa nai-register sa Uber], LTFRB ang registered owner," ani Lizada. "We were able to do all of these in less than an hour. Nakapasok kami ng vehicles."

Oras na ma-activate ang account ng TNVS, maaari na itong tumanggap ng mga pasaherong gagamit ng Uber app para mag-book ng biyahe.

"Mayroon silang mga online na puwede kayong mag-activate [ng TNVS]. Iyon ang hindi gusto ng regulatory body, kasi kung ginagawa niyo 'yan, colorum ho 'yan. Wala 'yang insurance, they are not under us." paliwanag ni Lizada. "If something happens to the driver, and if something happens to the rider, kanino sila pupunta?"

Ayon kay Lizada, nabigyan na rin ng kopya ng utos ang Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ang Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Depende na umano sa mga awtoridad kung kailan sila magsisimulang manghuli ng mga lalabag sa kautusan.

Base na rin sa inilabas na utos ng LTFRB, responsibilidad ng Uber kapag may nahuling "colorum" na TNVS na bumibiyahe habang epektibo ang suspensiyon.

Giit ni Lizada, nagiging patas lang ang LTFRB sa pagpapatupad ng batas kontra mga pumapasadang colorum na sasakyan. Ganito rin aniya ang patakaran para sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeep at taxi.

"We have to teach Uber a lesson, Hindi puwedeng icha-challenge niyo ang gobyerno na ganitong harap-harapan na you are already violating. We cannot also be credible as a regulatory body, if we let these violations be. Iniikutan niyo lang kami, hindi ho tama ito."

Nilinaw din ng LTFRB na sa ibang paglabag ang pagmumulta ng P5 milyon ng Uber kamakailan. 

Nakasaad din sa utos na inirerekomenda ng LTFRB sa Uber na magbigay ng ayuda sa mga maapektuhang "peer-operators" nito.

Sa isang pahayag, sinabi ng Uber Philippines na inaaral nila ang utos at magbibigay ng update sa kanilang riders at drivers.

"Uber received an order around 6pm tonight (August 14) to completely stop operations. We are studying the order at the moment. We will update our riders and drivers as soon as we can."

Magpapatuloy naman ang operasyon ng Grab. Ayon sa LTFRB, tumalima ang Grab sa utos ng ahensiya na tumigil muna sa pagtanggap ng bagong TNVS.

-- May ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.