Pagkahilig sa kape, maaaring pagkakitaan ng pera

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 02:06 PM | Updated as of Aug 13 2017 09:43 PM

Isa sa mga paboritong inumin ng mga Pinoy ang kape. Kaya para sa ilan, isa rin itong magandang oportunidad para pagkakitaan ng pera.

Sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), pang-5 sa pinakamalakas kumonsumo ng kape ang mga Pilipino sa buong mundo.

Numero unong importer naman ng kape ang Pilipinas sa buong mundo kahit na nasa 475,000 bags ng kape ang napo-produce ng bansa bawat taon.

Kaya kung balak pasukin ang karera bilang barista, may mga inaalok na training o pagsasanay ngayon ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Meron ding mga libreng seminar para ituro kung paano patatakbuhin ang pinaplanong coffee shop business.

Ani Alexis Aguilar Javier, na nakahanap ng trabaho dahil sa pagbabarista, "Sa panahon po ngayon, mahirap maghanap dahil sa edad, minsan po may mga company na namimili kasi... Nag-decide po ako na mag-undergo ng training dito sa TESDA mas napadali sa akin 'yung paghahanap ng trabaho."

Binubuo sa ngayon ng DTI ang coffee industry roadmap para mas mapataas pa ang suplay ng kape sa bansa, at mas marami ang makinabang dito.

Sa mga nais maging barista o pasukin ang negosyo ng kape, magtungo lamang sa iba't ibang training centers, at lumahok sa entrepreneurship skills program para sigurado ang pag-unlad.

Abangan ang kabuuang detalye sa Hanap:Buhay ulat ni Zen Hernandez mamaya sa TV Patrol Weekend, pagkatapos ng 'Bet on your Baby'.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.