'Presyo ng gatas na may asukal, sisipa sa reporma sa buwis'

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:09 PM

Nagbabadyang tumaas ang presyo ng gatas na may asukal kung mapapabilang ito sa kategorya ng "sugar-sweetened drinks" na ipinapanukalang patawan ng dagdag P10 excise tax kada litro.

Ayon sa Philippine Chamber of Food Manufacturers, Inc. (PCFMI), mahigit 95 percent ng gatas na ibinebenta sa merkado ngayon ay may halong asukal.

Sa kanilang pagtataya, aabot ng 30 percent ang itataas sa presyo ng gatas kapag natuloy ang panukala.

Dagdag pa ni Ricky Salvador, tagapagsalita ng PCMFI, kung papatawan ng dagdag buwis ang gatas, maaaring makaapekto ito sa kasalukuyang bilang ng mga batang Pinoy na "undernourished" o "malnourished".

Tiyak daw kasing lalong mahihirapan ang mga pamilyang hikahos na ibigay sa mga batang anak ang inirerekomendang hanggang dalawang basong gatas kada araw.

Makaaapekto rin sa negosyo ang mas mataas na buwis sa gatas na may asukal.

Ayon kay Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, tatamaan din ang bentahan ng gatas kung sisipa ang presyo nito.

Ayon sa Department of Finance, tatalakayin pa sa Kongreso ang panukala at bibigyang konsiderasyon ang isyu tungkol sa gatas.-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.