Crocodile farm sa Pilipinas, suki ang Louis Vuitton, Hermès

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 12:55 AM

Hindi inaasahan ng isang negosyanteng Pinoy na ja-jackpot siya sa pag-aalaga ng mga buwaya.

Ayon kay William Belo, founder at chairman emeritus ng Wilcon Depot na kilalang supplier ng mga gamit sa bahay, nagsimula lang siyang mag-alaga noon ng 1,000 buwaya sa kaniyang farm sa Rizal Province.

Kailangan niya raw kasi noon na dispatsahin ang halos 200 manok sa farm, kaya naisipan niyang kumuha ng mga buwayang puwedeng kumain ng mga manok.

Hanggang sa nakipag-ugnayan ang isa niyang kasosyong Hapon sa mga supplier ng balat sa luxury brands na Hermès.

"When Hermès saw our skin, they got interested," ani Belo. 

Ayon pa sa isang supplier ng balat sa Hermès, maituturing na isa sa pinakamagagandang kalidad ng 'crocodile skin' ang nanggagaling sa mga alaga ni Belo.

Dagdag pa ni Belo, nakikipagtransaksiyon na rin siya ngayon sa Louis Vuitton, isa ring gumagawa ng mga mamahaling bag at gamit na balat. 

Wala rin halos nasasayang sa mga buwaya dahil bukod sa balat, naibebenta rin ang karne nito.

Ginawa ring negosyo ni Belo ang sisig, burger patties, at steak na mula sa karne ng buwaya.

Sa ngayon, may 20,000 buwaya nang inaalagaan sa farm si Belo. 

-- Ulat ni Cathy Yang, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.