Negosyanteng 'dugas lords' sa mga bilihin, pupuntiryahin

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 07:22 PM | Updated as of Aug 02 2017 01:48 AM

Magtutulungan ang Department of Trade and Industry (DTI) at ilan pang ahensiya ng gobyerno sa pagpapatupad ng kampanya laban sa mga tiwaling negosyante na tinawag nilang 'dugas lord'.

Pinirmahan ng DTI, National Bureau of Investigation (NBI), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Philippine National Police (PNP) ang memorandum of agreement para sa ‘Project Execution Team’. 

Nangako si PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa na tutulong ang pulisya sa paglaban sa mga ‘dugas lord’.

"Ipa-raid natin ang mga dugas lord mapa-hatinggabi at madaling-araw para mahinto ang kaniyang pandurugas,” ani Dela Rosa.

Para maeengganyong sumali sa kampanya ang millennials, nag-imbita ang DTI ng mga estudyante at guro, at ipinakalat ang mga hashtag na #NoToDugasLord at #SaktoDapat.

Tututukan ng Project Execution ang 'PLTK' o presyo, label, timbang at kalidad ng produkto sa mga supermarket, department store, hardware, at maging sa sari-sari stores.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, mahigit 36,000 na produkto na ang nakumpiska nila dahil sa paglabag ng panuntunan sa PLTK.

Dagdag pa ni Lopez, isa sa mga utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na proteksiyunan ang mga consumer sa mga mandarayang negosyante.

Binabantayan din ng DTI ang multilevel marketers na palaging inirereklamo ng mga consumer. Makikipagtulungan aniya sila sa Direct Selling Association of the Philippines para maayos ang accreditation at pamantayan ng mga nagtitinda sa pamamagitan ng multilevel marketing.

Samantala, maaaring iulat sa 8888 o DTI Hotline na 751-3330 ang mga reklamo sa mga tiwaling negosyante at aaksiyunan ito ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.