40,000 trabaho, delikado dahil sa BPO automation

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 09:00 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:16 AM

Maaaring mawalan ng trabaho ang 40,000 low-skilled workers sa business process outsourcing (BPO) industry dahil sa automation ngunit magbubukas naman ito ng bagong oportunidad para sa halos 700,000 higher-skilled workers, ayon sa isang opisyal nitong Martes.

Kabilang sa mga low-skilled workers na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa automation ang mga receptionists at kawani.

Samantala, magbubukas naman ang mga trabahong nangangailangan ng mataas na kasanayan na nag-aalok ng mas malaking sahod, ayon kay Alex Tined, program director ng IT and Business Process Association of the Philippines.

"We need to teach them the new jobs. The challenge now is to make sure that we have people to do the mid and high skill jobs," ayon kay Tined.

Dagdag pa ni Tined, nasa 388,000 trabaho ang magbubukas para sa mga middle level habang 309,000 para sa high skill level.

Tinatayang aabot sa 1.8 milyon ang mga manggagawa sa BPO industry sa 2022 mula sa 1.14 milyon ngayon.

Ang industriya ng BPO ay isa mga pangunahing pinagmumulan ng trabaho at malaki ang naitutulong nito sa pagpapalakas ng piso dahil sa mga dolyar na kita nito.

Ayon kay Tined, pangatlo na lamang ang Pilipinas sa 'world's top BPO destinations' dahil mas maunlad ang teknolohiya sa India at China.

Kapapasok lamang ng China sa industriya ng BPO na dating pinangungunahan ng India at Pilipinas.

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.