Eksperto, iniugnay ang pagbebenta ng 'Inquirer' sa mga tirada ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 09:15 PM

Papasok na sa negosyo ng pamamahayag ang presidente ng San Miguel Corporation na si Ramon Ang.

Kinumpirma ng negosyanteng si Ramon Ang na nakikipag-usap siya para mamuhunan sa Philippine Daily Inquirer na isa sa mga pangunahing pahayagan sa bansa.

Ito'y matapos niyang tanggapin ang alok ng pamilya Prieto na bilihin ang mayorya ng shares sa Inquirer Group.

"I am looking forward to be part of this venerable institution and work with the men and women who made it what it is now. The publication will continue to uphold the highest journalistic standards and make a difference in the society it serves," saad ng inilabas na pahayag ni Ang. 

Wala pang detalye kung magkano ito at kung kailan matatapos ang negosasyon.

Naitaon ang bentahang ito sa panahong pinupulaan ni Pangulong Duterte ang pahayagan at mga may-ari nito.

Ayon sa ilang analyst, maaaring nakadagdag sa desisyong ibenta na ang Inquirer dahil sa umano'y patama ng Pangulo sa kanila.

“It seems like they really wanted to, there are so many controversies involved already, and maybe the price was right, so it was time for them to leave media and give it to another stakeholder,” ayon kay Marita Limlingan, presidente ng Regina Capital na isang brokerage firm.

Pero magandang timing din daw ang deal na ito para sa Inquirer Group.

“In terms of Inquirer, I think they can grab this opportunity that they're getting their hands into a deeper purse,” paliwanag ni Rens Cruz, isang analyst ng Regina Capital. “But at the end of the day, I think the partiality of media would be tested here, especially now that they're owned by people with multi-corporate interest."

Taong 1985 nang itatag ang the Philippine Daily Inquirer na sumikat matapos ang EDSA People Power Revolution.

Siniguro naman ng mga Prieto, na 25 taon ding hinawakan ang Inquirer, na lahat ng kontrata sa mga empleyado ay mananatiling epektibo. 

Hindi na bago ang ganitong pagbebenta ng pahayagan.

Noong dekada 90, nakalaban ng “Manila Times”, na noo'y nasa ilalim pa ng pamilya Gokongwei, si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada dahil sa isang artikulong inilathala nito. 

Hindi nagtagal, ibinenta rin ng mga Gokongwei ang pahayagan. 

Kilala naman bilang isang agresibong negosyante si Ang.

Taong 2013, bumili siya ng shares sa Solar TV. Noong 2015 naman, niligawan rin niya ang GMA-7 at naging interesado umano siya sa IBC-13. Pero parehong hindi ito nagbunga. 

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.