Phoenix, nag-sorry dahil sa trapik na idinulot ng promo

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 08:51 PM

MANILA - Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Phoenix Petroleum dahil sa matinding trapiko na idinulot ng kanilang promo kanina. 

Naging usad-pagong ang trapiko sa ilang kalsada sa Metro Manila at iba pang lugar na may istasyon ng Phoenix Petroleum kaninang umaga dahil sa promo ng kumpanya na P10.00 kada litro ng gasolina mula 10:00AM hanggang 12:00PM. 

Ngayon kasi ang ika-10 anibersaryo ng listing ng Phoenix sa Philippine Stock Exchange. 

Ayon kay Atty. Raymond Zorilla, vice president for external affairs ng Phoenix, hindi nila inaasahan na dadagsain ng mga motorista ang kanilang promo. 

"Kami'y nagpapaumanhin sa riding public sa kung ano man ang naidulot ng aming promo," sabi ni Zorilla sa isang panayam sa DZMM. 

Dagdag pa ni Zorilla, 76 lang sa higit 500 istasyon nila ang kasama sa promo. Nakipag-coordinate din raw sa mga lokal na opisyal ang mga istasyon nila para masigurong hindi magkaka-aberya dahil sa promo.

Itinaon din raw nila na mula 10:00 AM hanggang 12:00 PM ang promo, dahil inakala nila na nakapasok na ang mga estudyante sa mga eskwelahan at ang mga empleyado sa kanilang opisina ng ganitong oras. 

Nabigla daw ang Phoenix dahil sa pagdagsa ng mga motorista sa kanilang mga istasyon dahil hindi naman nila in-advertise ang promo, at ipnakalat lang sa social media. 

"It will be a learning experience for us," sabi ni Zorilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.